MANILA, Philippines – Dalawang hinihinalang ‘tulak’ ng droga ang nasawi, habang isa pa nilang kasamahan ang naaresto makaraang makipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng Quezon City Police District-Anti Illegal Drugs Special Operation Task Group (QCPD-DAIDSOTG) habang isinasagawa ang buy-bust operation sa kanilang hideout, kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), walang nakuhang pagkakakilanlan ang mga nasawing suspect na ang isa ay kinilala lamang sa alyas na Kalugar, may taas na 4’11, nasa pagitan ng edad na 25-30, nakasuot ng stripe na puting t-shirt at camouflage na pants, at tadtad ng tattoo sa buong katawan; habang ang isa naman ay nasa pagitan ng edad na 25-30, may taas na 5’3, nakasuot ng kulay itim na t-shirt, maong pants, at rubber shoes.
Arestado naman ang isa sa mga kasamahan ng mga nasawi na nakilalang si Jason Gonzales, alyas John, 23, binata ng Oak Extension Brgy. West Fairview sa lungsod.
Si Gonzales at dalawang nasawi ay kabilang sa target personalities ng DAIDSOTG sa nasabing operasyon.
Nangyari ang insidente sa may Roces St., Brgy. Greater Fairview, ganap na alas-2 ng madaling-araw.
Ayon kay PO2 Virgilio Mendoza, imbestigador ng CIDU, bago ang operasyon nakipagtransaksyon ang tropa ng DAIDSOTG sa pamumuno ni Chief Insp. Enrico Figueroa sa grupo ng mga suspect na nag-ooperate ng iligal na droga sa lugar para sa pagbili ng shabu.
Gayunman, habang isinasagawa ang bentahan, dalawa sa mga suspect na nagsilbing look out ang nakatunog sa presensya ng mga nakaantabay na operatiba kung kaya agad na nagsipagtakbuhan ang mga ito na nauwi sa habulan at pagpapalitan ng putok kung saan bumulagta ang dalawa sa mga suspect, habang nadakip naman si John at narekober dito ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu na tinatayang nasa 30 gramo at marked money na P20,000 na ginamit sa buy bust.
Narekober din sa crime scene ng SOCO sa isang nasawing si Kalugar ang isang improvised shotgun na may anim na piraso ng bala, anim na piraso ng plastic sachet na naglalaman ng shabu, isang gunting, anim na piraso ng aluminum foil; habang sa isang nasawing suspect naman ay isang kalibre 38 baril na may dalawang piraso ng bala, isang bala na hindi pumutok at isang basyo nito na nakalagay sa cylinder.