MANILA, Philippines – Naglabas na kahapon ng traffic advisory ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kaugnay sa idadaos na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit na isasagawa sa bansa mula sa Nobyembre 17 hanggang 20 ng taong kasalukuyan.
Kabilang sa traffic advisory ng MMDA ay ang pagbabawal nang pagparada sa buong kahabaan ng Roxas Boulevard-Service Road, mula TM kalaw hanggang President Quirino.
Mula alas-12:00 ng hatinggabi ng Nobyembre 16 hanggang alas-12:00 ng hatinggabi ng Nobyembre 20 ay sarado na sa trapiko ang ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila lalu na sa mga dadaanan ng mga delegado ng APEC.
Nabatid na ang mga lugar na isasara ay ang kahabaan ng Roxas Boulevard Northbound at Southbound lane, mula Katigbak hanggang P. Ocampo; Service Road ng kahabaan ng Roxas Boulevard mula Santa Monica St. hanggang P. Ocampo Quirino Avenue, mula Roxas Boulevard hanggang Adriatico; kahabaan ng Century Park St., mula Adriatico hanggang Mabini St.; Mabini St. mula P. Ocampo hanggang Quirino Avenue; Southbound lane ng Adriatico mula Quirino Avenue hanggang Century Park St.; P. Ocampo mula Adriatico hanggang Roxas Boulevard; kahabaan ng M.H. del Pilar St., mula Santa Monica St. hanggang Malvar St.; Pedro Gil St., mula Roxas Boulevard hanggang Mabini St.
Para naman sa kapakanan ng mga motorista, narito ang gagawing rerouting ng mga sasakyan, kung saan ang lahat ng mga sasakyan mula Northern part ng Manila/Pier Zone, na dadaan sa Southbound lane sa Roxas Boulevard ay kakaliwa sa P. Burgos, kanan ng Ma. Orosa, o Taft Avenue patungong destinasyon nito.
Ang lahat namang sasakyan mula Southern part ng Maynila na, dadaan sa Northbound lane ng Roxas Boulevard kakanan ng Buendia, kaliwa ng Taft Avenue patungong destinasyon.
Yung mga sasakyan naman na dadaan sa P. Ocampo mula Taft Avenue ay kakanan sa Adriatico, kanan sa Leveriza hanggang Quirino Avenue patungong destinasyon.
Ang bibiyahe naman ng westbound lane ng President Quirino na manggagaling sa Osmeña Highway (Plaza Dilao) area patungong Roxas Boulevard kanan o kaliwa sa Taft Avenue patungong destinasyon. Ang sasakyan naman mula Del Pilar St., na dadaan sa Roxas Boulevard ay kaliwa sa Quirino Avenue patungong Taft Avenue patungo na sa kanilang destinasyon.