MANILA, Philippines - Nagsanib pwersa ang Public Safety Department (PSD) o mas kilala sa pangalang Makati Safety Public Assistance (MAPSA) at ang Citra Central Expressway Corporation para balangkasin ang isang traffic management plan upang masolusyunan ang masikip na daloy ng trapiko habang ginagawa ang Skyway Stage 3.
Ayon kay Makati Acting Mayor Romulo “Kid” Peña, kabilang sa traffic management plan ay ang pagdagdag ng may 100 bilang ng traffic enforcers sa mga lugar na apektado ng construction site at mga lugar na matindi ang trapik.
Itatalaga ang mga ito sa tatlong shifts at sila ang magmamantina ng daloy ng trapiko sa mga lugar, na apektado ng construction site mula Lunes hanggang Linggo at maging sa mga araw na walang pasok.
Sinabi ni Peña, na ang naturang traffic management plan ay pinagsamang inisyatiba ng pamahalaang lungsod at ng Citra, bilang sapat na hakbangin ng dalawang tanggapan upang mabawasan ang abala nito sa publiko, lalu na sa hanay ng negosyo, habang ginagawa ang mga infrastructure project, tulad ng Skyway Stage 3.
Paliwanag naman ng MAPSA, sa binalangkas nilang traffic management plan ng Citra ay magkakaroon ng pangkalahatang pagbabago sa mga ruta ng paglalakbay sa Makati habang ginagawa ang Skyway Stage 3.
Kabilang sa maapektuhan ay ang Buendia Avenue (dating Gil Puyat Avenue), Chino Roces (dating Pasong Tamo), Arnaiz (dating Pasay Road), J.P. Rizal, at ang Central Business District road system, na kinabibilangan ng Paseo de Roxas, Ayala, Makati at Kalayaan Avenues.
Kung saan ang magiging mga alternatibong ruta ng mga motorista ay ang Emilia–Malugay, Finlandia–Dela Rosa, Jupiter–Metropolitan–Kamagong/Zobel/P. Ocampo at mababawasan aniya ang trapik sa kahabaan ng EDSA, Osmeña Highway, President Garcia (C-5) at Roxas Boulevard,
Base sa record ng MAPSA, tinatayang nasa 800,000 behikulo ang pumapasok sa area ng Makati kada araw.
Subalit, kapag natapos na ang konstruksiyon ng Skyway Stage 3, makakaginhawa na rin ang mga motorista, dahil maraming lansangan sa Metro Manila ang luluwag.