4 pasahero sa ‘laglag-bala’, pinalaya ng piskalya

Iniutos din ni Pasay City Assistant City Prosecutor Alan Mangabat, na isailalim ang apat sa full blown preliminary investigation. STAR/File photo

MANILA, Philippines - Pinalaya kahapon ng Pasay City Prosecutor’s Office ang apat na pasahero na sa ibat-ibang pagkakataon umano ay nakuhanan ng bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na mabigong magsumite ng ballistic examination ang PNP  Aviation Security Group.

Alas-2:00 kahapon ng hapon, nang ipag-utos ng pis­kalya, na palayain sina Rufina Cruz; Mildred Bitog; Ma. Josephine Rabano at Shine Enola, matapos sumailalim  ang mga ito sa inquest proceeding kamakailan.

Iniutos din ni Pasay City Assistant City Prosecutor Alan Mangabat, na isailalim ang apat sa full blown preliminary investigation.

Nakasaad sa nasabing­ mga resolusyon, na alinsunod sa Republic Act 10591,  ang nasamsam na bala ay ki­na­kailangang maisalalim sa bal­listic examination ng kinau­ukulang ahensya ng gob­yerno para matukoy kung ito ay papasok sa kahulugan ng “ammunition” na itinatakda ng nasabing batas.

Ngunit dahil nabigo ang pulisya na magsumite ng ballistic findings at  kulang ang ebidensya na kanilang iprinisinta, na naging dahilan para ideklara ng piskalya na “released for further investigation” ang apat.

Matatandaan, na no­ong­­ nakaraang linggo limang katao kabilang ang isang 77-anyos na lalaki ang su­ma­ilalim sa inquest proceeding sa Pasay City Prosecutor’s Office matapos makitaan ng bala ng baril sa kani-kanilang mga bagahe habang ini-inspeksyon ang kanilang bagahe sa NAIA.

 

Show comments