MANILA, Philippines – Isang Korean national ang nadakip sa isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad sa Pasig City kamakalawa ng gabi.
Ang suspek ay kinilalang si Byeonh Ho Kwon, nasa hustong gulang na pansamantalang nakatira sa Doña Juliana Subdivision, Brgy. Rosario, Pasig City.
Ang dayuhan ay dinakip ng mga tauhan ng Anti-Drug Council sa lungsod dakong alas-600 ng gabi makaraang isagawa ang buy bust operation sa suspek sa kanyang tahanan.
Ayon sa report, isang concern citizen ang nagsumbong sa mga awtoridad hinggil sa umano’y pagbebenta ng bawal na droga ng dayuhan sa ilang parokyano nito sa Brgy. Rosario, Pasig City.
Agad na nagsagawa ng surveillance operation ang mga awtoridad at noong makumpirma na positibo ang sumbong ay isinagawa ang buy bust operation na nagresulta ng pagkakadakip ng dayuhan.
Nabawi muna sa suspek ang anim na sachet na naglalaman ng hinihinalang droga at P3,000 na mark money na ginamit sa operasyon.
Nakakulong ngayon ang suspek sa selda ng Pasig City police at inihahanda na ang kasong drug pushing laban sa kanya.