MANILA, Philippines – Timbog ang isang menor de edad na babaeng kidnaper o miyembro ng grupong dumudukot ng mga dalagita nang masundan ng kaniyang lola ang isa sa dalawang biktima, sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Nakapiit sa Manila Police District- Station 2 ang suspek na si Rina, 17, at residente ng Parola Compound, Tondo.
Nabatid na naganap ang insidente pasado alas 8:00 ng umaga sa nabanggit na lugar sa Sandico panulukan ng Asuncion st, sakop ng Brgy. 13, Zone 2,
Lumilitaw na modus operandi ng suspek at mga kasabwat nito ang mag-abang ng mga dalagita na inuutusan ng kanilang mga kaanak at may hawak na pera at bibili sa tindahan. Aagawan ito ng hawak na pera at kapag humabol ang pakay na bibiktimahin ay isasakay ito sa van.
Nasa alas 7:00 hanggang alas 8:00 ng umaga kung umatake umano ng pagdukot ang grupo ng suspek.
Kung hindi umano nasundan ng lola ng isang alyas Eva, 10 anyos, ang kaniyang apo ay malamang na natangay ito ng suspek.
Nang hatakin ang biktima ay inagaw ng lola at nagkaroon ng komosyon at nakita ito ni Brgy. Chairman Mario Macapagal dahilan para kuyugin at maaresto ang suspek.
Patuloy pang iniimbestigahan ang kaso at tinutunton din ang van na tumakas nang magkaroon ng komosyon.