Tulong ng barangay sa paglilinis sa Mabuhay Lanes, kulang - MMDA
MANILA, Philippines – Nanawagan ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga opisyales ng mga barangay na ibuhos ang buong tulong sa ginagawa nilang paglilinis sa lahat ng uri ng obstruksyon sa mga tinukoy na “Mabuhay Lanes” o alternatibong ruta ngayong lumalapit ang Kapaskuhan.
Sinabi ni MMDA Chairman Emerson Carlos, na kulang pa rin ang tulong na ibinibigay ng mga barangay officials sa ginagawa nilang clearing operations katuwang ang PNP-Highway Patrol Group. Minsan umano ay may mga opisyal at tanod na sumusulpot ngunit kadalasan ay wala.
Iginiit nito na may memorandum circular na inilabas ang Department of Interior and Local Government (DILG) kamakailan na inaatasan ang lahat ng pinuno ng mga “local government units (LGUs)” kabilang ang mga alkalde at mga barangay chairman na manguna sa paglilinis ng mga obstruksyon sa Mabuhay Lanes.
Sinabi pa nito na problema rin nila ang ilang barangay hall na itinayo na sa mga bangketa na ayaw ipagalaw ng mga opisyal.
Bukod dito, sinabi ni Carlos na inaasahan nila na magiging ehemplo ang ginagawa nilang paglilinis sa Mabuhay Lanes sa pagkukusa na ang mga alkalde at barangay chairmen na linisin ang mga nasasakupang mga kalsada at bangketa para sa ikaluluwag ng trapiko.
Nangako rin naman ang MMDA na matatanggal lahat ng obstruksyon sa 21 ruta ng Mabuhay Lanes bago mag-Pasko sa kabila ng mga problemang kinakaharap. Ito ay makaraan na magkaroon ng komprontasyon ang mga opisyal ng ahensya at ng pamahalaang lungsod ng San Juan na pumalag sa clearing operations sa mga parking area na may basbas ng ordinansa ng lungsod.
Apat na lamang umano sa 21 ruta ang hindi pa nalilinis ng MMDA ngunit nangako si Mabuhay Lanes supervising officer Col. Nestor Mendoza na babalikan ang mga lugar na nalinis upang matiyak na hindi magbabalikan ang mga obstruksyon.
Magpapatupad naman umano ng “maximum tolerance” ang mga tauhan ng MMDA sa operasyon makaraan ang insidente ng pagkuyog ng taumbayan sa may Tondo, Maynila. Inaasahan naman ang proteksyon buhat sa MMDA-HPG laban sa naturang mga insidene.
- Latest