MANILA, Philippines – Walang pasok sa lahat ng pampublikong tanggapan at mga paaralan sa lungsod ng Valenzuela sa darating na Nobyembre 12 kasabay ng ika-392 selebrasyon ng pagkakatatag ng siyudad.
Ito ay makaraang ideklara ng Malacañang sa pamamagitan ng Proclamation No. 1148 na “special non-working holiday” ang Nobyembre 12 (Huwebes) o “Araw ng Valenzuela” upang bigyang daan ang selebrasyon.
“It is but fitting and proper that the people of the City of Valenzuela be given full opportunity to celebrate and participate in the occasion with the appropriate ceremonies,” ayon kay Executive Secretary Paquito Ochoa.
Ang mga papasok naman na empleyado sa mga pribadong negosyo ay makakatanggap ng 30% dagdag sa kanilang arawang suweldo sa naturang araw.
Inaasahan naman na nakalinya ang ilang espesyal na programa at aktibidad sa selebrasyon habang libre naman ang panonood ng sine sa lungsod para sa lahat ng senior citizen na makakapagpakita ng kanilang Senior Citizen ID.