MANILA, Philippines – Pinaniniwalaang iligal na droga ang naging dahilan ng pagpatay sa isang lalaki matapos na pagbabarilin ng tatlong kalalakihan kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Dead on the spot ang biktimang si Daniel Fortales, 30 ng no 739 Felina St. Sampaloc, Maynila sanhi ng tatlong tama ng bala ng baril sa mukha.
Isang follow up operation naman ang ginagawa ng pulisya laban sa tatlong hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng isang puting Toyota Fortuner na may plakang AIA-4576.
Batay sa inisyal report ni Manila Police District- Station 4 Commander Supt. Mannan Muarip naganap ang insidente bandang alas 9:30 ng gabi sa harap ng bahay ng biktima.
Bago ang insidente dumating ang mga suspek at pumasok sa bahay ng biktima. Makalipas ang ilang minuto ay nakitang lumabas ang mga suspek na pinipilit na isakay ang biktima sa kanilang sasakyan hanggang sa paputukan ito ng isa sa mga suspek .
Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksiyon.
Nakakuha naman ng isang sachet ng shabu at shabu paraphernalia at da-lawang 9mm empty shell ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa bahay ng biktima.
Ayon naman kay MPD-Homicide Section chief, Sr. Insp. Rommel Anicete, nagsasagawa pa sila ng follow up investigation upang matukoy ang tunay na motibo ng pamamaslang.