MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Konseho ng Maynila ang pagbibigay ng P5.5 milyong ayuda sa mga nasalanta ng bagyong Lando sa ilang bayan sa lalawigan ng Nueva Ecija noong Oktubre 17, 2015.
Sa ipinasang resolution ng konseho ng Maynila sa pangunguna ni Manila Vice Mayor at Presiding Officer Isko Moreno, inaprubahan ang kahilingan ni Manila Mayor Joseph Estrada ng pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyong Lando.
Miyerkules nang personal na ibigay ni Moreno ang P3,000,000 ayuda ang lalawigan ng Nueva Ecija samantalang P2,000,000 sa Cabanatuan City at P500,000 sa Munisipalidad ng Bongabon.
Nabatid na sa ilalim ng Section 21 ng RA 10121, binibigyan nito ng kapangyarihan ang konseho para sa nasabing tulong sa naturang lalawigan.
Manggagaling sa pondo ng Local Disaster Risk Reduction Management o calamity fund ang assistance na ibibigay sa Nueva Ecija, Cabanatuan City at Munisipalidad ng Bongabon.
Oktubre 22, 2015 nang sumulat si Atty. Edward Serapio, Secretary to the Mayor sa konseho para sa paglalaan ng relief assistance sa mga nabanggit na lugar.