MANILA, Philippines – Nalambat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang lalaki na kabilang sa listahan ng mga most wanted dahil sa pagkakasangkot umano nito sa malawakang operasyon ng iligal na droga matapos ang isinagawang pagsalakay sa isang parking lot sa Taguig City, iniulat kahapon.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., ang suspect na si Marvin Tan Yap, alyas Mr. Tiu, 39, binata at naninirahan sa No. 15, San Carlos St., Magallanes Village, Makati City, at Unit 3B, Tuscany Garden Villa Condominium, McKinley Hills, Taguig City.
Ayon kay Cacdac, si Yap ay inaresto ng mga operatiba ng PDEA Special Enforcement Service (PDEA SES) sa pamumuno ni Director Ismael G. Fajardo Jr. at Special Operations Unit 3-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (SOU3-AIDSOTF) sa Parking Lot ng Central Square, 30th St. Corner 5th Ave. Bonifacio Global City, Taguig City sa bisa ng warrant of arrest, ganap na alas- 8:10 ng gabi
Sabi ni Cacdac, si Yap ay kinasuhan dahil sa partisipasyon nito sa nabuwag na warehouse noong February 12, 2014 sa may Unit 48 Cerulean St., Macapagal Avenue, Brgy. Tambo, Parañaque City kung saan nasamsam ang may 27.50 kilograms ng shabu at 24 kilograms ng ephedrine.
Nagawang makatakas ni Yap sa mga operatiba nang salakayin ang nasabing warehouse dahilan para ituring siyang wanted ng mga nasabing ahensya.
Bukod dito, may nakabinbin ding kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng RA 9165 o ang comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakapiit ngayon ang suspect sa naturang himpilan habang inihahanda ang pagbabalik ng warrant nito sa korte para sa kaukulang disposisyon.