MANILA, Philippines – Pinagtibay ng tanggapan ng Ombudsman ang guilty verdict ng Quezon City court na naglapat ng parusang 23-taon pagkakulong sa dalawang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI)-QC satellite office dahil sa clearance fraud.
Kapwa napatunayang nagkasala ng walang pag-aalinlangan ang mga akusadong sina Ramil Rodriguez, OIC sa NBI-QC office at Elizabeth Sobrevilla, chief cashier sa kasong malversation at paglabag sa Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).
Bukod sa kulong, inatasan din ang mga ito na magbayad ng multa at pinagbabawalan na ring makapagtrabaho sa alinmang tanggapan ng gobyerno.
Noong 2006, nagsagawa ng surprise cash count ang NBI operatives sa naturang tanggapan at dito natuklasan na ang ilang booklets na ginamit para sa original receipts ay itinatago sa vault pero walang kaukulang cash payments.
Ayon sa tanggapan ng Ombudsman, napatunayan nila na bigo ang mga akusado na mai-account ang 120 booklets (8,195 pieces) ng official receipts at mai-remit ang demand collection ng clearance fees na may halagang P942,425.00.
Sa 20 pahinang desisyon na nilagdaan ni presiding Judge Manuel Sta. Cruz, Jr., napatunayan ng korte na sina Rodriguez at Sobrevilla ay nagsabwatan sa naturang anomalya.
Napatunayan din ng Ombudsman prosecutors na si Sobrevilla ang kumuha ng nawawalang koleksiyon at pinautang ang pera sa ibang tao.
Sa kasong ito, napawalang sala naman ang akusadong si Raul Angeles (Liaison Officer) dahil sa kawalan ng ebidensya na magdidiin dito sa kaso.