MANILA, Philippines – Kritikal ang kondisyon ng isang construction worker nang saksakin sa tiyan ng isang diumano’y Muslim na nakasabay nito sa pagbili ng lutong ulam sa isang karinderya, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Ugat ng pagtatalo diumano ang suhestiyon ng biktimang si Alfonso Javier, 29, residente ng Mandaluyong City, sa hindi kilalang suspek na bilhin na lamang ang isang uri ng luto sa baboy.
Sa ulat ni PO1 Saturnino Ancheta, ng P. Algue Police Community Precinct (PCP) dakong alas 6:00 ng hapon nang maganap ang pananaksak sa Claro M. Recto Avenue, panulukan ng Narra St. Tondo.
Nabatid na nagkasabay sa pagbili ng pagkain ang suspek at biktima. Nakita silang nag-uusap hinggil sa tindang ulam ng karinderya ng mauwi umano sa mainit na pagtatalo.
Natuklasan sa gitna ng pagtatalo na galit ang suspek sa pagkain ng baboy dahil ito ay isang Muslim. Napikon at bumunot ng patalim ang suspek na itinarak sa tiyan ng biktima at mabilis na tumakas.
Dinala sa Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMC) ang biktima at inilipat pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) kung saan ito isasailalim sa surgical operation.