1.7M dumalaw sa puntod sa Manila North Cemetery
MANILA, Philippines – Tulad ng inaasahan, hindi mahulugang karayom ang Manila North Cemetery kahapon kung saan tinatayang nasa 1.7 milyon ang dumalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon kay MNC administrator Daniel Tan nasa mahigit 1.7 milyon na ang dumalaw sa puntod ng kani-kanilang mahal sa buhay simula pa noong Sabado (Oktubre 31) kung saan inaasahan din nila na aabot pa ito sa mahigit 2 milyon hanggang ngayong araw (Nobyembre 2).
Napag-alaman naman din na nasa 88 piraso ng mga ipinagbabawal na gamit ang nakumpiska ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) mula sa mga bibisita sa nasabing kampo santo katulad ng matutulis na bagay, thinner, pintura at kutsilyo.
Wala namang naiulat na insidente ng krimen o aksidente dahil na rin sa maagang preparasyon matapos itong iutos ng maaga nina Manila Mayor Joseph Estrada at Vice Mayor Isko Moreno sa MPD at mga empleyado ng city hall kung saan nagsagawa pa ito ng personal na pag-iinspeksyon kamakalawa ng umaga sa MNC at sa South Cemetery.
Sinabi ni Tan na indikasyon lamang ito na epektibo ang kampanya ng lokal na pamahalaan upang maging ligtas sa lahat ang paggunita sa Undas.
Habang nasa North cemetery, dinalaw at nagtirik din ng kandila si Estrada sa puntod ng ilang kilalang personalidad, kabilang ang kanyang matalik na kaibigang si Fernando Poe, Jr., dating Pang. Manuel Roxas, mga dating Mayor ng Maynila kabilang sina Arsenio Lacson at Antonio Villegas, at mga beterano ng World War II.
- Latest