MANILA, Philippines – Apat katao kabilang ang isang sanggol ang pawang nasawi makaraang lamunin ng apoy ang isang residential area kabilang ang kanilang bahay sa Makati City, Linggo ng umaga.
Nasa dalawang buwan pa lamang ang sanggol na natupok kasama ang kanyang lolang si Annie Eneria, 52 at mga anak nitong nasa 14 at 8 anyos na pawang mga residente ng Araro St., Brgy. Palanan, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection- Makati City, dakong alas-5:40 ng umaga nang unang sumiklab ang apoy sa naturang lugar. Agad na kumalat ang apoy sa mga kabahayan sanhi upang itaas sa ikatlong alarma hanggang sa ganap na maapula dakong alas-6:16 ng umaga.
Sinasabing nasa anim pang residente ang nasugatan sa insidente at isinugod sa iba’t ibang pagamutan. Nasa 30 pamilya naman ang nawalan ng tirahan nang maging abo ang kanilang mga bahay.
Hinihinala na nasa kasarapan ng pagtulog ang pamilya Eneria nang sumiklab ang apoy sa kanilang bahay.
Tinitignan naman ang posibilidad ng pagkakaroon ng iligal na koneksyon ng kuryente sa lugar na siyang dahilan ng pagsiklab ng apoy.