MANILA, Philippines - Maaari na ngayong maireklamo ng diretso sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga isnaberong taxi drivers, gayundin ang iba pang pampasaherong sasakyan na pasaway sa lansangan.
Ito ay sa pamamagitan ng isang mobile application na layung bigyan ng direct access sa LTFRB ang sinuman sa anumang oras lalu na sa panahon ng emergency.
Sa ilalim ng “Safe Ride” app, ang mga pasahero o sinumang publiko na may reklamo sa alinmang passenger vehicles ay maaa-ring magpadala ng litrato ng driver at plate number ng sasakyan sa data base server ng LTFRB para sa kaukulang aksiyon ng ahensiya.
“Our original design was only for taking photos. But according to the LTFRB, if the commuters can take a short video clip especially of taxi drivers who refuse to accept passengers, it will accept the clip as electronic evidence,” pahayag ni Rodolfo “Jun” Lozada, president ng Galileo Software Services Inc., ang app developer na minsan nang naging kontrobersiyal nang tumestigo sa panahon ng Arroyo administration kaugnay ng NBN-ZTE telecommunications deal.
Naka – features din sa app ang emergency hotline numbers ng police, fire stations, hospitals at iba pa at ang quick reporting ng mga road obstructions para sa LTFRB.
“There will be no expenses on the part of the government. Our role is to receive the emergency call or SOS so that we can act on it.” pahayag naman ni LTFRB Chair Winston Gines.
Ang kompanya din ni Lozada ang nasa likod ng “Police Accident Report Kit” o Parak, isang app na pinapayagan ang traffic officers na ibigay ang impormasyon ng mga aksidente sa lansangan para sa mabilis na aksiyon gayundin ang “Theft Apprehension and Recovery Application” o Tara, na nag-didisables ng smartphone’s essential features kapag ang unit ay nawala o nanakaw.