MANILA, Philippines – Nagpaalala si Manila Vice Mayor Isko Moreno sa publiko na magdoble ingat at huwag nang magbitbit ng mga bagay na mahigpit na ipinagbabawal ipasok sa loob ng Manila North Cemetery (MNC) ngayong panahon ng Undas.
Ang nasabing paalala ay ipinahayag ni Moreno kasabay ng pagsagawa nito ng inspeksyon sa sementeryo kahapon ng umaga kung saan iprinisinta sa kanya ang mga nakumpiskang kagamitan na ipinagbabawal ipasok sa loob ng sementeryo tulad ng kutsilyo, pintura, matutulis na bagay, alak atbp.
Nanawagan din si Moreno sa mga magulang na may bitbit na maliliit na anak na lagyan ito ng “name tag” kung saan nakasulat dito ang kanilang pangalan, address, contact number at pangalan ng kanilang mga magulang upang sakaling mawala sila o maligaw ay madali silang makilala at maisoli sa kanilang mga magulang.
Nilibot ni Moreno ang MNC upang tiyakin ang mahigpit na seguridad na ipinapatupad ng mga kapulisan na naka-deploy sa loob ng nasabing sementeryo kung saan napag-alaman na umaabot sa mahigit 250 pulis Maynila ang itinalaga dito bukod pa ang may 800 tauhan ng Manila City Hall na magiging katuwang ng kapulisan upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa nasabing kampo santo.
Inaasahan naman ni Moreno na magiging maayos at mapayapa ang pagbisita ng mga tao sa MNC dahil sa kahandaan ng pulisya gayundin ang lokal na pamahalaan ng Maynila.
Napag-alaman naman kay MNC Director Daniel “Dandan” Tan na may mahigit 35 Closed Circuit Television (CCTV) Camera ang nakakabit sa buong paligid ng nasabing sementeryo upang mamonitor ang buong kaganapan sa loob nito.