Bebot tiklo sa pagbebenta ng pekeng pera
MANILA, Philippines – Isang dating Overseas Filipino Worker (OFW) ang natimbog ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa aktong nagbebenta ng pekeng peso bills, sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Nakapiit sa MPD-General Assignment and Investigation Division (GAIS) ang suspek na si Radiya Datugan, 30, ng Dubai, Baseco Compound, Port Area, Maynila.
Sa ulat ni Chief Inspector Arsenio Riparip, hepe ng MPD-GAIS, dakong alas-5:00 ng hapon nang dakpin sa isang entrapment operation ang suspek sa Plaza Lacson, Sta. Cruz.
Inginuso lamang umano ng isang babaeng tipster kay Senior Inspector John Wendell Siarez ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ang suspek na sinasabing may mga dalang pekeng P200 bills at ibinebenta sa halagang P50 lamang.
Iniwan ni Siarez ang pagmamando ng trapik at inireport sa Gandara Police Station 11 ang impormasyon at ikinasa ang entrapment.
Nang makabili ng apat na pirasong pekeng pera ang poseur buyer ng pulis ay inaresto na ang suspek.
Umabot naman sa halagang P4,000 pekeng pera ang nakuha sa pag-iingat ng suspek na may denomination na P200; P500 at P50.
- Latest