MANILA, Philippines – Naghain kahapon ng not guilty plea sa hukuman ang apat na pulis na isinasangkot sa EDSA hulidap sa Mandaluyong City.
Humarap sa sala ni Mandaluyong City Regional Trial Court (RTC) Branch 213 Judge Carlos Valenzuela ang mga akusadong sina Senior Insp. Oliver Villanueva, SPO1 Ramil Pachero, PO2 Ebonn Decadoria at PO2 Weavin Masa para sa pagbasa ng sakdal ng kasong carnapping, kidnapping at robbery in band na kinakaharap nila.
Ang apat ay pawang nakaposas at nakasuot ng damit sibilyan nang dumalo sa pagdinig.
Ang apat ay matatandaang sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) matapos isangkot sa kaso.
Dahil sa pagsuko nila, umaabot na sa 10 ang bilang ng mga pulis na naaresto at na-arraign kaugnay ng EDSA hulidap case, na naging kontrobersyal matapos makuhanan ng isang netizen noong Setyembre at maging viral sa internet.
Naghain na rin ang mga ito ng motion for bail para sa kanilang pansamantalang kalayaan at ang pagdinig dito ay itinakda sa Nobyembre 26 at Disyembre 3, 2015.
Bukod sa apat, kabilang din sa kaso sina Chief Insp. Joseph de Vera, Senior Insp. Allan Emlano, Insp. Marco Polo Estrera, PO2 Jerome Datinguinoo, PO2 Mark de Paz at PO2 Jonathan Rodriguez.