MANILA, Philippines – Muling asahan ang masikip na daloy ng trapiko ngayong weekends dahil muling magsasagawa ng road re-blocking ang Department of Public Works and Highways (DPWH) simula ngayong alas-10:00 ng gabi Oct.30 hanggang Nobyembre 2.
Sa abiso kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), narito ang mga apektadong lugar.
Sa bandang Southbound ay ang EDSA, mula Estrella Street hanggang Sen. Gil Puyat Avenue, EDSA pagitan ng Scout Borromeo at Timog Avenue (Service Road), 1st lane mula sidewalk.
Sa Northbound naman ay ang kahabaan ng C-5 Road pagitan ng SM Warehouse hanggang FR Cement papuntang Lanuza Street, innermost lane, EDSA pagitan ng Aurora Boulevard at K-10 Street, 1st lane mula sidewalk.
Ayon kay Emerson Carlos, Officer-in-Charge ng MMDA, ito aniya ang rekomendasyon ni DPWH-National Capital Region Director Melvin Navarro para aniya sa road maintenance purposes.
Nabatid na ang mga apektadong lugar ay magagamit lamang ng motorista alas-5:00 ng umaga, kaya’t payo ng MMDA iwasan ang mga ito para hindi matrapik.