MANILA, Philippines – Inambus at napatay ang isang Pasay City police ng hindi pa nakikilalang suspek kung saan inaalam pa kung may kinalaman sa droga ang krimen na naganap, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Dead-on-the- spot ang biktimang si PO3 Ronald Guzman Corsino, 35, nakatalaga sa SAID-SOTG ng Pasay City Police sanhi ng tinamong ilang tama ng bala sa ulo at ibat ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya hinggil sa insidente at inaalam na rin ang pagkakakilanlan sa suspek.
Sa inisyal na report na natanggap ni Senior Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Las Pinas City Police, naganap ang insidente alas-11:30 ng gabi sa harapan ng Pulang Lupa Dos Health Center, Brgy. Pulang Lupa ng naturang lungsod nang biglang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril sa lugar.
Nang tingnan ay doon nakita ang duguang si PO3 Corsino, na wala ng buhay habang sakay ito ng kanyang Honda City ( LFB-706) na umaandar pa ang makina.
Nakarekober ang SOCO, ng Southern Police District (SPD) ng ilang basyo ng bala na hindi pa batid ang kalibre.
Nalaman, na kagagaling lamang sa “One Time Big Time Operation” ng naturang biktima sa Maricaban, Pasay at may kakatagpuin lamang itong isang “asset” sa Las Pinas City.
Tinitingnan ng pulisya kung may nakakabit na CCTV camera sa naturang lugar at kung nakuhanan nito ang naganap na pamamaril.
Iniimbestigahan ng pulisya kung may kinalaman sa droga ang pagkakapaslang sa naturang alagad ng batas.