MANILA, Philippines - Isang miyembro ng carnap group ang napatay, habang tatlo pa nitong kasamahan ang nadakip sa ginawang pagsalakay sa kuta nito, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang lusubin ng pinagsanib na puwersa ng Caloocan Anti-Carnapping Unit at Criminal Investigation and Detection Group ang kuta ng grupo sa may Admin Site, Brgy. 186 Tala.
Nagresulta ang operasyon sa pagkasawi ni Berlin Del Rosario, 22, habang nasakote ang mga kasamahang sina Benjelito Santos, 38; Ronnie Santos, 48; at Rolly Magno, 51.
Sinabi ni Caloocan City Police chief, Senior Supt. Bartolome Bustamante, ihahain ng mga pulis ang warrant of arrest laban kay Del Rosario nang agad na maispatan nito ang mga pulis at pagbabarilin ang mga awtoridad. Agad na gumanti naman ang mga pulis bilang depensa na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Hindi na nanlaban pa ang tatlo pang miyembro ng sindikato at kusang sumuko sa mga pulis. Itinanggi naman ng mga ito na sangkot sila sa operasyon ng carnapping at nangungupahan lamang umano sa isa sa kuwarto sa bahay ni Del Rosario.
Nakumpiska ng mga pulis sa loob ng bahay ang isang granada, isang kalibre .38 rebolber na baril, isang kalibre .22 pistol, pen gun at sari-saring mga bala.
Narekober naman ang isang SYM motorcycle (9620-PV), isang itim na SYM motorcycle (1677-TS), at dalawa pang motorsiklo na tsinap-tsap na.