Mga patay sa Manila North Cemetery, mahahanap na sa internet

MANILA, Philippines – Bawas na sa dating problema sa tuwing idaraos ang Undas ang bagong sistema ng talaan ng mga patay na nakalibing sa Manila North Cemetery dahil online na rin ang paghahanap dito.

Mas magiging madali ito kaysa sa maligaw at mag­hanap sa puntod sa loob ng 54 ektaryang Manila North Cemetery.

Sinabi ni Administrator Da­niel Tan, na may data base na ang kanilang listahan o records na maaring i-search online sa pamamagitan ng website na www.manilanorth cemetery.net at i-type sa “find section” ang pangalan ng mahal sa buhay, at makikita na ang lot number at grave number kung saan ito naka­libing.

Kaya bago pa magpunta sa Cementerio del Norte, ma­­inam na hanapin na sa pa­ma­magitan ng internet ang kinaroroonan ng bibisitahing puntod.

Gayunman, paglilinaw ni Tan, iyon pa lamang mga nailibing mula taong 1980 pataas ang kanilang nairere­kord sa data base ng kanilang computer.

Iyong mga maghahanap ng puntod ng inilibing bago ang 1980, pinapayuhan ni Tan na dumulog sa kanilang tanggapan na nasa entrada ng Manila North Cemetery.

Bukod sa record ng mga nakalibing, maari ring mapa­nood sa pamamagitan ng livestream sa kanilang website­ ang sitwasyon sa Manila North Cemetery pagsapit ng Nobyembre 1.

Show comments