MANILA, Philippines – Tinanggihan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang aplikasyon para sa akreditasyon ng U-HOP Transportation Network Vehicle System Inc. bilang isang Transport Network Company (TNC).
Ito ayon kay LTFRB Chairman Winston Gines ay dahil hindi naaayon sa batas at regulasyon ng DOTC ang serbisyong nais nitong maibigay sa publiko.
Sa ilalim ng memorandum na ipinalabas ng LTFRB, ang lahat ng TNC ay dapat munang magpa-accredit sa ahensiya upang mabigyan ng awtorisasyon na makapagsakay ng pasahero gamit ang on-line provider.
Sinasabing para mairehistro ang U-HOP shuttle service, ang isang van owner ay dapat munang magbayad ng joining fee na P150,000 at dagdag na P75,000 para makabili ng U-HOP Shuttle Device Package na ilalagay sa kanilang sasakyan.
Sinasabing ang operasyon ng isang Shuttle Service sa pamamagitan ng paggamit ng Internet-based technology platform para magkaroon ng pre-arranged transportation ng mga pasahero ay dapat na tumalima sa mga kaukulang rekisitos ng DOTC.
Una rito, inanunsiyo ng U-HOP na sila ay takda nang magsimula nang operasyon dahil nakakuha na sila ng mahigit 300 miyembro.
Ang operasyon ng U-HOP ay ang pagkuha ng pasahero sa pamamagitan ng on-line service na may kaakibat na fix rate sa pagsakay ng pasahero na umano’y papatay sa operasyon ng UV Express at mga passenger jeepney na may sariling ruta at franchise.