Paglilinis ng MMDA sa mga sementeryo maagang lalarga

Tutulong ang mga tauhan ng MMDA sa pagtatanggal ng damo, trimming ng mga puno at pagwawalis sa mga daanan sa mga sementeryo habang ang mismong mga puntod ay bahala na ang mga kaanak ng mga namayapa. Philstar.com/File

MANILA, Philippines - Maagang ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Lunes ang paglilinis sa mga panguna­hing sementeryo sa Kamaynilaan kaugnay ng parating na Undas.

Sinabi ni MMDA asst. general manager Emerson Carlos na nasa 2,000 nilang tauhan buhat sa Metro Parkway Clearing Group at Sidewalk Clearing Group ang ikakalat sa mga pangunahing sementeryo sa Kamaynilaan ngayong Lunes para maglinis.

Tutulong ang mga tauhan ng MMDA sa pagtatanggal ng damo, trimming ng mga puno at pagwawalis sa mga daanan sa mga sementeryo habang ang mismong mga puntod ay bahala na ang mga kaanak ng mga namayapa.

Bukod sa Manila North at South Cemeteries, prayoridad rin ng MMDA ang 24 pang sementeryo kabilang ang Mandaluyong Aglipay cemetery, San Felipe, La Loma, Barangka, Loyola Memorial Park, Mariano Public Cemetery, Roman Catholic Ce­metery, Pateros, Aglipay, Bagbag, Baesa, San Juan Ce­metery, Hagonoy, Libingan ng mga Bayani, Arkong Bato, Palasan, Karuhatan, Soldiers Hill, at Tugatog Cemetery.

Magtutuloy-tuloy ang paglilinis ng MMDA hanggang Nob­yembre 2 kung kailan inaasahan na tone-toneladang basura na naman ang mahahakot. Opisyal na ilalarga naman ang “Oplan Kaluluwa” sa Oktubre 29 katuwang ang mga tauhan ng PNP-Highway Patrol Group at mga traffic units ng mga lokal na pamahalaan dahil sa inaasahang matinding pagsisikip sa trapiko sa mga bisinidad ng mga sementeryo.

Tututok rin ang otoridad sa pagbabantay sa mga bus terminals habang handa na umano ang “Mabuhay Lanes” para maging alternatibong ruta ng mga motorista makaraang matanggal na umano ang mga obstruksyon sa kalsada sa inilunsad na mga operasyon laban sa mga nakaparadang sasakyan, mga illegal vendors at iba pang harang sa kalsada.

   Inaasahan naman na makakatuwang ng MMDA ang mga opisyal ng barangay sa pagpapanatili na walang bara sa mga Mabuhay Lanes habang buo ang puwersa ng pamahalaan sa “towing” sa mga ruta sa Nobyembre 2.

 

Show comments