MANILA, Philippines - Nakatakdang magsagawa ng operasyon ang pamahalaang lungsod ng Valenzuela upang walisin sa kalsada ang mga pasaway na barkers na mistulang nangongotong umano sa mga tsuper ng pampasaherong jeep at bus.
Sa panayam ng PSN kay Mayor Rex Gatchalian, sinabi nito na kanyang pakikilusin ang Traffic Management Office (TMO) makaraang makatanggap ng sumbong ukol sa pagiging abusado, pananakit at paninira ng sasakyan ng mga barkers na ginagawa nang hanapbuhay ang pagtatawag ng pasahero.
Nasaksihan mismo ng PSN ang panununtok ng isang barker sa isang konduktor ng jeep na may biyaheng Novaliches-Malinta sa may Gen. Luis Street sa tapat ng Puregold nitong Sabado ng gabi makaraang hindi makuntento sa P5 iniabot sa kanya.
Bukod dito, marami na ring reklamo ang mga tsuper sa pambubutas ng gulong habang marami na ring menor-de-edad mula 12 hanggang 17 anyos ang gumagaya sa kanilang mga ama o kaanak sa pagbabarker sa halip na magtrabaho.
Sinabi ni Gatchalian na maituturing nang “nuisance” o panggulo sa lipunan ang ginagawa ng mga barkers kaya pakikilusin niya ang mga tauhan upang masawata ito.
Idinagdag pa nito na may ordinansa na ring niluluto ang Sangguniang Panglungsod upang mahanapan ng solusyon ang kawalan ng trabaho ng mga barkers at maalis sila sa kalsada.
Minsan na rin umano silang nakipagdayalogo sa mga barkers at mga tsuper at nalaman na may lehitimo namang mga barkers na kasundo ng mga tsuper dahil sa nakakatulong sa pagtatawag sa kanilang pasahero at pila ng jeep.Plano rin ni Gatchalian na magtayo ng malaking public parking area para maging sentro ng transportasyon.