MANILA, Philippines - Matapos ang may isang linggong pagtatago sa batas, naaresto ng mga awtoridad ang magkapatid na itinuturong responsable sa pagpatay sa isang doktor, at naglibing sa bangkay nito sa isang septic tank sa San Mateo, Rizal noong Oktubre 16.
Ayon kay San Mateo Police chief, Supt. Ben Iquero, ang mga suspek na sina Brian Garanil, 19, at kapatid nitong 13-anyos ay naaresto kamakalawa nang pinagsanib na pwersa ng San Mateo at Masbate Police sa kanilang tahanan sa Sitio Dalakit ng Brgy. McArthur sa Monreal, Masbate kung saan sila nagtago. Ang magkapatid ang itinuturong siyang pumatay sa biktimang si Dr. Jesus Comedido, 60, na siyang umampon sa kanila.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na pinagalitan ng biktima ang magkapatid dahil sa pagkawala ng kanyang cellphone at laptop sanhi upang pagsasaksakin siya ng mga ito. Upang maitago ang krimen, inilibing ng magkapatid ang doktor sa isang septic tank saka tumakas.
Iniulat ng mga kaanak ng biktima na nawawala ang doctor kaya’t kaagad na nag-imbestiga ang mga awtoridad hanggang sa matagpuan ang bangkay ng doctor sa loob ng isang septic tank, na kapansin-pansing bagong semento lamang.
Isang tricycle driver na hindi pinangalanan ang tumestigo rin na umalis ng tahanan ng doctor ang mga suspek bago ito iniulat na nawawala. Nakita rin aniya ang dalawa na nagmamadaling paalis ng tahanan ng biktima na may dalang tatlong malalaking bag.
Kaugnay ng pagkakaaresto sa magkapatid, itinuturing ng San Mateo Police na case closed na ang kaso ni Comedido. Nakumpiska sa mga suspek ang isang itim na cellphone na pinaniniwalaang pagmamay-ari ni Comedido.
Ang magkapatid ay nakatakda nang ibiyahe pabalik ng San Mateo para panagutin sa kaso.