MANILA, Philippines - Dala ng labis na depresyon sa umano’y pakikipaghiwalay ng kanyang girlfriend, nagbigti ang isang binatilyo sa lungsod Quezon kamakalawa.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang biktima ay nakilalang si Darryl John Awjero, 18, ng No. 277 Lower Molave St., Bgy. Payatas B.
Nadiskubre ang biktima ng kanyang kapatid na si Angelu Mae Awjero habang nakabitin sa kubeta sa loob ng kanilang bahay, ganap na alas 7:30 ng gabi.
Ayon kay PO3 Anthony Tejerero, nagpunta si Angelu Mae sa bahay ng kanyang nanay matapos na malamang naging kakaiba ang kinikilos ng kanyang nakababatang kapatid matapos na makipag- break sa kanyang syota.
Bago ito, nabatid na tinangka na rin ng biktima na magpakamatay pero napigilan lamang ito ng kanilang tatay.
Sinabi ni Angelu Mae sa pulis na tinangka nilang kausapin ang biktima nang araw na iyon.
Pero hindi ito tumutugon matapos ang ilang ulit na pagkatok nila sa kuwarto nito.
Dahil dito, nagpasya na silang puwersahang buksan ang pinto kung saan nila natuklasan ang biktima habang nakabigti sa kisame gamit ang nylon cord.