MANILA, Philippines – Isang Migrant Resource and Help Center ang nakatakdang itayo sa Quezon City para umalalay sa mga QC-based OFWs at migrant workers.
Ito ay makaraang pangunahan ni Mayor Herbert Bautista ang pagbuo sa QC Migration and Development Council on Overseas Filipinos (QC-M&DC) na mangangasiwa sa naturang Help Center.
Ang QC Help Center ay kauna unahan sa hanay ng mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region. Sa ating bansa, tanging ang lalawigan ng Batangas, Cavite, Laguna, Ilocos Norte, Naga, Masbate at Antique ang mayroong a Help Center para sa migrante.
Bukod sa itatayong migrant center, ang QC-M&DC ay magkakaroon ng isang localized one-stop on-line portal na denevelop ng Commission on Filipino Overseas (CFO) para sa Filipino Diaspora Engagements at sa pagkakaroon ng isang collective remittance mechanism para sa mga QC-based OFWs.
Ang pondong gagamitin sa inisyal na operasyon ng QC-M&DC ay magmumula sa tanggapan ng alkalde.
Sinasabing ang programa ay bilang pagkilala at pagtulong ng lokal na pamahalaan sa mga OFWs na taga-QC na katuwang din sa pagpapalago at pagpapasigla ng ekonomiya ng lungsod.