30 complainant lumutang 4 na miyembro ng ‘Budol gang’, timbog

MANILA, Philippines – Nasa 30 katao na ang lumulutang na complainant ng apat na miyembro ng ‘Budol-Budol Gang’ na nadakip kamakalawa sa Las Piñas City.

Nakapiit ngayon sa Las Piñas City Police detention cell ang mga suspek na sina Arlyn Villanueva, 42 ; Renato Fuentes, 54, driver; Danilo Medel, 46, at Merly Cruz, 41. Ayon sa report na natanggap ni Senior Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Las Piñas City Police, naganap ang pag-aresto sa mga suspect alas-11:30 ng umaga sa kahabaan ng BF Resort Drive, Brgy. Talon Dos, ng naturang lungsod.

Nabatid na nilapitan ng mga suspek ang isa sa mga complainant na si Socorro Li­ngan, 61, dating government­ emplo­yee at sapilitang­ pinapasok ng mga ito sa kani­lang sasakyan. Nakita ito ng isang tricycle driver at nagduda sa mga suspek kung kaya’t agad nitong ipinagbigay alam sa mga nakatalagang guwardya ng natu­rang subdivision. Ka­­agad na rumisponde ang mga guwardya at nasakote nila ang mga suspek,
na kaagad nilang dinala sa himpilan ng pulisya.

Narekober mula sa mga suspek ang maraming papel na ginagamit nilang budol money at isang kulay asul na Mazda Van (GHR-128). Nalaman din na nawawala ang suot na relo ni Lingan. Hanggang kahapon ay nasa 30 katao na aniya ang lumutang sa Las Piñas City Police upang magharap ng reklamo laban sa apat na suspek na karamihan sa mga binibiktima ng mga ito ay mga senior citizen.

Show comments