MANILA, Philippines - Agad na nasawi ang isang motorcycle rider maka-raang mabundol at masagasaan ng isang trailer truck sa Caloocan City, kahapon ng madaling-araw.
Isinugod pa sa Manila Central University Hospital ngunit agad na idineklarang wala nang buhay ang 25-anyos na si Jhonel Tabita, ng Interior 5 Heroes Del 96 Brgy. 73, ng naturang lungsod.
Arestado at nahaharap naman ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang nakabundol na tsuper na si Joseph Cabigayan, 32, ng Port Area, Manila.
Sa ulat ni SPO2 Fernan Romero ng Traffic Management Unit, binabagtas ng biktima ang kahabaan ng Samson Road patungo sa Monumento Circle sakay ng kanyang Yamaha Mio (ND 42780) dakong alas-2:45 ng madaling araw nang mabundol ng trak (ABB 219) na minamaneho ni Cabigayan.
Tumilapon sa motorsiklo ang biktima na nasagasaan pa ng unahang gulong ng trak na hindi agad nakapreno.
Iniimbestigahan naman ng pulisya kung sinadya pa ng suspek na sagasaan pa ang biktima matapos na tumilapon sa motorsiklo.