MANILA, Philippines – Siyam na kalalakihan ang nadakip ng anti-drugs operative ng Quezon City Police District (QCPD) matapos na maaktuhang nagpa-pot session sa ginawang anti-illegal drugs operations sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod, iniulat kahapon.
Sa ulat na natanggap ni QCPD Director P/Chief Superintendent Edgardo Tinio ang mga suspect ay kinilalang sina Ernesto Hizon, Benjamin Alamin, Ferdinand Rozales, Roland Mina, Ely Fernandez, Levee Reynoso, Raymond Mireño, Edmund De Guzman, at Salvador Talana.
Ayon kay Tinio sina Hizon, Alamin, Rozales, Mina, at Fernandez, ay nadakip ng mga tropa ng Galas Police Station 11 matapos silang mahuli sa aktong gumagamit ng shabu sa isang bahay sa Manunggal St., Brgy. Tatalon Quezon City.
Habang sina Reynoso at Mireño naman ay nadakip sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng District Anti-illegal Drugs Special Operations Task Group (DAIDSOTG) kung saan nakumpiskahan sila ng apat na sachet ng shabu at mga gamit sa pagsinghot ng iligal na droga.
Sina De Guzman at Talana na kapwa nahulihan ng sachet ng shabu ng mga operatiba ng Batasan Police Station (PS-6) at Masambong Police Station (PS-2) sa isang checkpoint. Ayon kay Gen. Tinio, ang pag-aresto sa mga suspek ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng QCPD laban sa lahat ng kriminalidad alinsunod sa “OPLAN Lambat Sibat” ng Philippine National Police (PNP).