MANILA, Philippines – Matapos itaas na alert level 2 ang tubig sa Marikina River kamakalawa ng hapon ay unti-unti na ngayong bumababa ang antas ng tubig sa ilog na siyang dahilan kaya bumabalik na sa kani-kanilang mga tahanan ang mga lumikas na residente.
Nabatid mula sa Marikina rescue team na umabot sa 16 meters ang taas ng tubig kamakalawa ng alas-5:00 ng hapon kaya sila nagsagawa ng mabilisang evacuation sa mahigit na 300 residente na nakatira sa pampang ng ilog.
Nagpalipas ng magdamag sa mga evacuation center ang mga inilikas na residente at pagsapit ng alas-6:00 ng umaga kahapon ay pinahintulutan ng bumalik sa kani-kanilang mga tahanan matapos bumagsak sa 13 meters ang tubig sa ilog.
Ayon kay Mayor Del de Guzman, patuloy na minomonitor ng kanyang mga tauhan ang lagay ng tubig sa ilog na siyang ginagamit na pamantayan para muling isagawa ang preemptive evacuation sa mga residente na nakatira sa mababang lugar sa Marikina.
Sinabi ng Alkalde, kung muling aakyat sa 14.5 meters ang level ng tubig ay magbibigay na sila ng alarma o abiso sa mga residente na nakatira sa tabi ng ilog na kailangan ng maghanda para sa paglilikas.
Kapag umabot na sa 15 meters ang tubig ay isasagawa na ang evacuation ng mga tauhan ng Marina rescue team sa mga apektadong residente.