MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng riding in tandem ang isang lalaki na nanonood lamang ng larong chess sa Fairview, lungsod Quezon, kamakalawa.
Idineklarang dead-on-arrival sa FEU Hospital si Jerico Viray, 45, ng Ipil-Ipil St., Brgy. Greater Fairview, ng nasabing lungsod dahil sa tama ng mga bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Sa ulat ni SPO2 Rosyl Francisco, ng QCPD Station 6, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Molave St. Brgy. Greater Fairview, ganap na alas 3:30 ng hapon.
Sabi ni Jay Dadiya, magkasama silang nanonood ng chess ng biktima nang biglang sumulpot ang isang hindi kilalang suspek na nakasuot ng bonnet at agad na pinaputukan ng ilang ulit ang biktima sa ulo at mukha.
Matapos ang pamamaril at inakala ng suspect na patay na ang biktima ay nagpasya itong umalis palayo saka umangkas sa isang motorsiklo na naghihintay sa hindi kalayuan mula sa lugar at humarurot palayo. Patuloy ang pagsisiyasat ng otoridad sa nasabing insidente.