MANILA, Philippines - Ipinagmalaki ng Taguig City na nakumpleto nang arestuhin ng pulisya ang mga nasa listahan ng Top 10 Most Wanted sa iligal na droga sa lungsod.
Tinukoy ni Taguig Mayor Lani Cayetano ang pagkakaaresto kay Alfonso Dacquel na no. 3 sa listahan sa ikinasang operasyon sa Brgy. Central Signal Village noong Oktubre 1.
Sinabi ni Cayetano na nabawasan ang salot sa lungsod na naninira ng buhay ng pamilya at kabataan sa pagkakadakip ng lahat ng nasa Top 10 sa iligal na droga.
“Ito ay tunay na magandang balita. Ang lahat ng nasa Top 10 ay napigilan na sa pagpapakalat ng droga sa mga lansangan. Nangangahulugan ito na ang mga mamamayan lalo na ang mga kabataan ay mababawasan ang exposure sa salot na droga,” ani Cayetano.
Ayon kay Taguig Police chief Sr. Supt. Arthur Felix Asis, si Dacquel, alias Otoy at misis na si Siena Joyce Dacquel, alias Shen, ay magkasamang nahuli sa buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng Taguig City Police Station Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (SAID-SOTG).
Narekober sa mag-asawa ang anim na plastic sachet na naglalaman ng ‘white crystalline substance’ na pinaghihinalaang shabu, at may street value na P150,000.
Matatandaang sina Top 1 and 2 drug personalities Michael Butch Tan at Sancho Espiritu nitong Agosto 21 at Setyembre 23. Naaresto rin ngayong taon sina Richard Silvestre, Isidro Llagas, MardieTalampas, Jackie Abone, Adonis Venus, Bags Malay at Rawie Castro, na pawang kabilang sa Top 10.