MANILA, Philippines - Round the clock ang ginagawa ngayong pagbabantay ng mga tauhan ng Marikina City government at rescue team sa posibleng pag-apaw ng Marikina river bunsod ng patuloy na pag-ulan na dala ng bagyong ‘Lando’.
Ayon kay Mayor Del de Guzman, iniutos na niya sa kanyang mga tauhan na bigyan siya ng palagiang update hinggil sa sitwasyon ng pagtaas ng tubig
sa Marikina river.
Layunin ng Alkalde na magkapagsagawa ng agarang pre-emptive evacuation sa mga residente na nakatira malapit sa pampang kung sakaling tumaas ang tubig sa ilog.
Dakong alas-9:00 ng umaga kahapon ay tumaas na 13.2 meters ang level na tubig sa ilog na mas mataas ng mahigit isang metro kumpara kamakalawa ng umaga.
Sinabi ni De Guzman na sakaling aakyat pa sa 14.5 meters ang level ng tubig ay
magbibigay na sila ng abiso sa mga residente na nakatira sa tabi ng ilog na kailangan ng maghanda para sa paglilikas.
Kapag umabot na sa 15 meters ang tubig ay isasagawa na ang evacuation ng mga tauhan ng Marikina rescue team sa mga apektadong residente.
Hindi na umano dapat pang hintayin na may mga residente ang maging biktima ng bagyo.