Kumare pinapatay dahil sa P2-M utang: Lady trader tugis sa murder
MANILA, Philippines – Sinampahan na ng kasong murder sa Caloocan City Prosecutors Office ang isang negosyante na itinuturong utak sa pagpapapatay sa kanyang kumare dahil sa utang na P2 milyon at kumpitensya sa negosyo sa Caloocan City.
Tugis na ngayon ng pulisya ang suspek na si Juanita dela Cruz, at pamangkin nitong si Te-resa Terrazola, kapwa ng naturang lungsod.
Ang dalawa ang itinuturong mastermind sa pamamaslang sa 41-anyos na si Liza de Jesus.
Sa rekord ng pulisya, naghahanda ng paninda si De Jesus sa kanyang meat stall sa Pusit Alley, Blk. 12C ng naturang barangay nang duma-ting ang dalawang lalaki at walang habas na pinagbabaril ang biktima. Malubhang nasugatan rin sa insidente ang mga tauhan na sina Jimboy Beslote, Digno Yasay at Junel Varquez.
Sa imbestigasyon, itinuro ng mister ng nasawi na si Ronnie Garrancias si Juanita ay may motibo sa pamamaslang sa asawa dahil sa utang na aabot sa P2 milyon at kumpitensya sa negosyo nila sa karne at manok.
Isang pagtatalo naman ang naganap sa pagitan ng biktima at ni Terrazola kung saan naringgan ang huli na katagang: “Magsaya ka na, tapos na ang maliligayang araw mo, ipapapatay ka na ni tita Nita”.
Lumutang naman ang isang saksi na nagsabi na bumibili siya ng hotdog sa stall ni Juanita nang may kausapin itong mga lalaki at maringgan niya ito ng katagang, “sinigurado n’yo ba na patay na si Liza bago n’yo iwan?”
Matapos ang krimen, hindi na umano makita sina Juanita at Terrazola sa kanilang bahay. Dahil sa mga ebidensya, sinampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek.
- Latest