MANILA, Philippines – Timbog na ang isang pulis na wanted sa kasong robbery at inuugnay sa pagdukot umano sa isang tricycle driver sa Quezon City na hinuhulidap sa halagang P20,000 subalit nakatakas nang dalhin sa isang bahay sa Tondo, Maynila, sa ulat ng Manila Police District-station 7 kahapon.
Nabatid na AWOL ang status ng suspek na si PO2 Manuel Fuentes, 33, dating nakatalaga sa PNP headquarters sa Camp Crame, at residente ng Molave St., Tondo, Maynila.
Sa ulat, alas-7:00 ng gabi kamakalawa nang madakip ang suspek sa Brgy. 232 Zone 21, District 2, Tondo sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Bibiano G. Colasito, ng Manila RTC Branch 50 sa kasong robbery.
Magugunita na noong nakaraang 3 buwan ay nadakip ng MPD-PS 1 ang suspek matapos ireklamo sa kasong kidnapping kaugnay sa pagdukot sa tricycle driver na residente ng Quezon City subalit nakatakas nang iwanan sa isang bahay na safehouse sa Tondo, Maynila at humingi ng tulong sa Algue Police Community precinct.
Lulong umano sa iligal na droga ang suspek at may ebidensiya ang foootage ng CCTV na ang suspek ay palakad-lakad na may sukbit ng baril sa erya ng Antonio Rivera sa Tondo.