2 biktima ng salvage, lumutang sa ilog

MANILA, Philippines - Dalawang bangkay ng lalaki na kapwa hinihinalang biktima ng summary execution ang natagpuang lumulutang sa isang ilog sa Valenzuela City.

Sa naantalang ulat ng Valenzuela City Police, inilarawan ang dalawang bangkay na kapwa lalaki, may edad sa pagitan ng 30-35 anyos. Isa sa bangkay ay may suot na checkered na short pants at kamiseta habang ang isa ay nakasuot ng maong na pantalon, itim na t-shirt, at may mga tattoo na dragon sa likod at tribal sa kaliwang braso.

Nabatid na dakong alas-10 ng Sabado ng umaga nang madiskubre ni Rodwin Benuman, 19, ang mga bangkay na palutang-lutang sa ilog malapit sa tulay na nagdudugtong sa Brgy. Punturin at Bignay.

Nagtamo ng mga saksak sa likod at mukha ang bangkay sa loob ng kumot habang may marka naman ng pagkabigti sa leeg ang bangkay na nasa loob ng sako.

Patuloy ngayon ang berepikasyon ng pulisya sa pagkakakilanlan ng mga biktima habang hinihinalang maaaring sa ibang lugar pinaslang ang mga biktima at itinapon lamang sa bisinidad ng Valenzuela.

Show comments