MANILA, Philippines - Dahil tapos na ang 3-term ng kanyang mister kaya si Carmelita ‘Menchie’ Abalos ang siyang nag-file ng kanyang certificate of candidacy bilang alkalde ng Mandaluyong City kahapon ng umaga. Ganap na alas-8:00 ng umaga ay dumalo muna sa isang misa si Menchie at pagkatapos ng misa ay sinamahan siya ng kanyang libu-libong supporters sa Comelec para mag-file ng COC.
Kasama ni Menchie ang kanyang running mate sa pagka-bise alkalde na si Councilor Anthony Suva at kanilang mga konsehal sa ilalim ng Liberal Party.
Ayon kay Mayor Benhur Abalos, sasabak sa pulitika ang kanyang may-bahay para maipagpatuloy ang magandang nagawa ng kanyang administrasyon o tatak na: Gawa hindi salita.
Nabatid na umani ng iba’t-ibang parangal o pagkilala ang Mandaluyong City tulad ng Seal of Good Governance at UN Public Service Award. Kung sakaling palarin na manalo si Menchie ay siya ang kauna-unahang babaeng magiging alkalde ng lungsod.