MANILA, Philippines – Inaasahang lalo pang titindi ang mabigat na trapiko sa bisinidad ng Quezon City Hall dahil sa pagsasara ng ilang parte ng Elliptical Road sa loob ng 21 araw upang bigyang daan ang pagkukumpuni ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinabi ni Noemi Recio, pinuno ng Traffic Engineering Center ng Metropolitan Manila Development Agency (MMDA), nitong Setyembre pa inumpisahan ang “drainage system project” na itutuloy ngayong Oktubre ng DPWH.
Wala pa naman umanong ipinadadalang pinal na “timeline” ang DPWH kaya hindi pa mabatid kung kailan uumpisahan ang pagsasara sa kalsada. Nakapaloob sa proyekto ang pagkakabit ng 300-metrong pipeline mula Kalayaan Avenue hanggang sa isang creek sa Quezon Avenue.
Nahaharangan naman ang drainage project ng linya ng PLDT kaya kailangang mai-realign ang pipeline para maiwasan ang linya ng kumpanya ng telepono.
Sa oras na matapos, inaasahan na masosolusyunan ng drainage project ang matinding pagbabaha sa Elliptical Road at sa mga karatig na kalsada sa naturang lugar.