Engkwentro: 5 karnaper, utas
MANILA, Philippines - Limang pinaniniwalaang mga karnaper ang nasawi matapos na maka-engkwentro ang mga tauhan Quezon City Police District Anti Carnapping Unit sa Payatas Road, ilang oras matapos na tangayin ang isang taxi sa bahagi ng Cubao sa lungsod kahapon.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, walang nakuhang anumang mapagkakakilanlan sa mga nasawing suspect na pawang mga armado ng improvised na baril.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Payatas Road, Brgy. Payatas alas-9 ng umaga.
Ayon kay Chief Insp. Richard Ang, hepe ng QCPD-ANCAR, bago ang insidente nagsagawa ang kanilang tropa ng checkpoint sa bahagi ng Litex Road matapos na makatanggap ng impormasyon kaugnay sa naganap na pagkarnap sa isang taxi sa may bahagi ng Cubao, alas-6:55 ng umaga.
Habang nagsasagawa ang tropa ni Ang ng checkpoint sa lugar ng Commonwealth Avenue malapit sa bahagi ng Litex Road ay naispatan ng mga ito ang isang kulay itim na Isuzu Sportivo na loss plate ang plaka na patungong Payatas.
Ayon kay Ang, dahil kahina -hinala ang sasakyan nagpasya silang sundan ito hanggang sa mabatid niya na nagsasagawa naman ng ‘Oplan Sita’ ang tropa ng Special Traffic Action Group (STAG) ng QCPD sa pagitan ng QC at Rodriguez Rizal at tinimbrehan nila ito kaugnay sa nasabing SUV saka sinundan ito.
Pagsapit sa Payatas Road, nabatid ng mga operatiba na may sinusundan pala itong isang taxi na napag-alaman nila na ito ang taxi na tinangay sa Cubao.
Habang papalapit umano ang mga operatiba ay bigla na lamang nagsipaglabasan ang mga suspect para lumipat sa Sportivo saka sila pinaputukan dahilan para gumanti ng putok ang mga una at mauwi ito sa engkwentro na ikinasawi ng mga suspect.
Dagdag ni Ang, posibleng natunugan na sila ng mga suspect kung kaya nagpasya ang mga ito na iabandona ang taxi sa lugar kung kaya lilipat na ng SUV pero naganap ang pagpapalitan ng putok.
Sinasabing tinangay ng mga suspect ang taxi sa Cubao kung saan iginapos umano ng mga ito ang driver saka pinaupo sa likuran ng taksi at pagsapit sa Project 6 ay saka ibinaba ang huli bago tinangay ang naturang sasakyan.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.
- Latest