12 sasakyan inararo ng tanker: 1 patay, 9 sugatan
MANILA, Philippines - Isang rider ang patay habang siyam pa ring riders ang sugatan makaraang araruhin ng isang dambuhalang oil tanker ang 12 sasakyan, kabilang ang 10 motorsiklo at isang SUV at UV express sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni PO2 Alfredo Moises, imbestigador ng Quezon City Police District traffic Sector 5, ang nasawi ay nakilalang si Joseph Garcia, 21, ng Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Bukod sa mga motorsiklo, nasangkot din sa banggaan ang isang Honda Civic (WPF-738) na minamaneho ni Marlon Dematawaran, ganun din ang isa pang UV Express Mitsu-bishi (ADA-4498).
Nasa kustodiya naman ng TS-5 ang driver ng tanker (UVC-687) na si Ressel Roy Uyad, 26, matapos na sumuko sa awtoridad.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na nangyari ang insidente sa may eastbound lane sa kahabaan ng Commonwealth Avenue kanto ng Tandang Sora, sa Brgy. Old Balara ganap na alas-10:30 ng gabi.
Bago ang insidente, galing umano ang fuel tanker sa Nagtahan Depot at maghahatid ng diesel sa bahagi ng Litex nang mawalan ito ng preno.
Nakahimpil namang ang Honda Civic sa lugar at binang-ga ng tanker saka sinunod ang UV express.
Subalit, sa kabila nito hindi tumigil ang tanker at tuluyang inararo ang mga motorsiklo na nasa interseksyon ng Tandang Sora sanhi para magulungan nito ang biktimang si Garcia at agad na nasawi.
Agad ding isinugod sa pagamutan ang mga sugatan.
Natakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide at multilple injuries at damage to pro-perty ang driver ng tanker.
- Latest