MANILA, Philippines – Nagluluksa ang lungsod ng Makati sa biglang pagpanaw ni dating Senador Joker Arroyo, na nanilbihan din bilang congressman sa unang distrito ng Makati noong 1992 hanggang 2001.
Ayon kay Acting Makati Mayor Romulo “Kid” Peña, ang Makati ay nawalan ng isang pinagpipitaganang lingkod bayan, kung saan ang kanyang pambihirang kontribusyon bilang mambabatas at freedom fighter, ay nirerespeto at tinitingala sa lungsod.
“The city government and the people of Makati will forever be grateful to former Senator Joker Arroyo, who was among the pillars of the city’s transformation into the thriving financial center that it is today,” sabi ni Peña.
Si Arroyo, na pumanaw dahil sa heart attack sa edad na 88, ay instrumento sa pagiging lungsod ng Makati noong 1995, at sa pagsilang at pagkakatatag ng ikalawang distrito ng Makati.
Si Arroyo ay may maningning na paninilbihan bilang lingkod bayan, kung saan nagtala ito ng perpektong attendance sa loob ng siyam na taong panunungkulan sa mababang kapulungan. Isa rin siya sa namumukod-tanging senador na tumangging gamitin ang P200-million annual Priority Development Assistance Fund (PDAF) o “pork barrel” sa 12 taong termino sa Senado (2001 to 2013).