MANILA, Philippines – Mahigit sa 1,000 pulisya ang na-promote at ang ilan dito ay binigyan ng parangal ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) upang mapataas ang moral ng mga ito.
Pinangunahan ni NCRPO Acting Director, Police Chief Supt. Joel D. Pagdilao, ang panunumpa ng mga pulis na na-promote, na isinagawa sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Bukod sa tinanggap na promotion, binigyan din ng parangal ang mga pulis na nakaresolba ng malalaking krimen, tulad ng Medalya ng Kagitingan, na tinanggap ng ilang pulis na nakatalaga sa Masambong Police Station, ng Quezon City Police District (QCPD) matapos nilang madakip ang isang most wanted person na si Chistian Telin, na sangkot sa ilang robbery-hold-up sa naturang lugar.
Gayundin tumanggap din ng parangal ang ilang pulis na nakatalaga sa Jose Abad Santos Police Station, Manila Police District (MPD) matapos nilang madakip si Ronald Salvador, na sangkot naman sa nakawan sa Maynila sa bisa ng warrant of arrest at pinaigting na “Oplan Lambat Sibat”.