MANILA, Philippines – Naging matagumpay ang paglulunsad sa paggamit ng beep card o ‘‘tap and go system,” sa mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT-3) kahapon.
Ayon sa pamunuan ng MRT-3, naging maayos ang pagsisimula nang paggamit ng beep cards, lalo na’t ilang araw pa bago ito isakatuparan ay nagbenta na ng mga beep cards sa ilang istasyon ng MRT-3.
Ang naturang beep cards ay nagkakahalaga ng P20 bawat isa at maaaring gami-tin sa loob ng apat na taon.
Maaari itong lagyan ng load sa minimum amount na P13 hanggang maximum amount na P10,000.
Ayon sa Department of Transportation and Communications (DOTC), ang mga naturang beep cards ay maaari ring gamitin sa line 1 at 2 ng Light Rail Transit (LRT).
Kumpiyansa ang DOTC na sa pamamagitan ng bagong ticketing system ay mareresolba na ang problema sa mahabang pila sa mga istasyon ng tren, partikular na sa panahon ng rush hour.
Una nang nagpatupad ng “tap and go system” sa LRT 1 at 2.