MANILA, Philippines – Kumpiyansa ang Department of Transportation and Communications (DOTC) na masosolusyunan na rin ang mga aberyang nararanasan sa mga tren ng Metro Rail Transit (MRT-3).
Ito’y kasunod nang ginawang pag-a-award ng DOTC sa signaling system upgrade project sa Bombardier Transportation Signal, Ltd., bilang bahagi ng kanilang railway rehabilitation efforts.
Ayon kay DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya, mahalaga ang pag-upgrade ng obsolete signaling system para ma-minimize ang operational disruptions ng MRT-3.
Giit ni Abaya, matagal na dapat itong ginawa ng private sector owner nito upang naiwasan ang mga aberya sa operasyon ng tren.
Makatutulong aniya ito para mapaghusay ang reliability at efficiency ng rail system para sa benepisyo ng mga pasahero. Sa ilalim ng P53.37-milyong kontrata, papalitan ng Bombardier ang kasalukuyang local control system na MAN 900, ng mas contemporary na
EBI Screen 900.
Ang EBI Screen 900 ay isang software na may kahalintulad na functionality ng MAN 900 ngunit magbibigay-daan sa paggamit ng modernong personal computers at fiber optic technology.
Ang signaling system ang nagmamantine ng ligtas na distansya o layo sa pagitan ng mga tren at kumukontrol sa kanilang bilis.
Sa sandaling magka-problema ang signaling system ay maaaring magresulta sa pagbabawas ng mga nag-o-operate na tren at mas mabagal na biyahe.
Bukod sa pag-modernize ng software components, matitiyak rin sa upgrade ang availability ng mga kinakailangang spare parts para sa ‘uninterrupted’ at ‘efficient’ na operasyon ng mga tren ng MRT-3.