5 miyembro ng ‘Baklas kotse gang’, kalaboso
MANILA, Philippines - Limang miyembro ng ‘Baklas kotse gang’ ang naaresto ng mga operatiba matapos ang ginawang pagsalakay sa kanilang lungga ilang minuto makaraang biktimahin ang sasakyan ng isang abogada sa Brgy. Tatalon lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police District, ang mga suspect ay kinilalang sina Carlito Ratcho, Sr., 45; Carlito Ratcho, Jr., 20; Carlo Ratcho, 19; Roel Ratcho Suicon, 26; at Ivan Ferrer – pawang mga residente ng Cardis St., Brgy Tatalon, Quezon City.
Isinagawa ang pagsalakay ng mga tropa ng Masambong Police Station (PS-2) matapos na humingi ng tulong ang biktimang si Atty. Maria Charmaine Tepace ng Executive Village, Cainta Rizal, na binaklasan ng dalawang side mirror ng kanyang Ford Focus Sedan na nagkakahalaga ng P15,000.
Diumano, isang menor de edad na lalaki ang tumira sa side mirror ng kotse ng abogada habang nakaparada ito sa isang bakanteng lote malapit sa isang banko sa kahabaan ng West Avenue, sa lungsod ganap na alas-8 ng gabi.
Nang malaman ng biktima ang insidente ay agad na dumulog ito sa tanggapan ni P/Supt. Christian Dela Cruz ng PS-2 na agad namang nagsagawa ng police operations sa isang shop sa kahabaan mg Banawe St. corner Cardis St., Brgy, Tatalon at nagresulta sa pagkakabawi ng dalawang side mirrors ng biktima.
Bukod dito, narekober din sa lugar ang iba’t-ibang parte ng sasakyan at mga accessories na iba’t-ibang brands tulad ng side mirrors hub caps, logos at brand emblems, side mirror protectors, headlights, at gear cases.
Nauna nang nakipagdiyalogo si QCPD Director Chief Supt. Edgar Tinio sa mga store owner ng mga nasabing piyesa ng sasakyan hinggil sa parusang kakaharapin nila kapag labag sa batas ang kanilang operasyon kung kaya binalaan na nila ang mga ito subalit hindi pa rin sila natuto.
Ang mga suspects ay nakapiit ngayon sa nasabing himpilan sa kasong paglabag sa Anti-fencing Law (PD 1612).
- Latest