Puganteng Korean mafia, timbog sa Pampanga

Ang nadakip na puganteng Koreano na sinasabing miyembro ng mafia na si Lee Sang Te makaraang matimbog ng mga tauhan ng Bureau of Immigration. Edd Gumban

MANILA, Philippines - Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng high-profile Korean national sa isinagawang operasyon sa Angeles, Pampanga, noong nakalipas na Miyerkules.

Sinabi ni BI spokesperson Atty. Elaine Tan, nadakip si Lee Sang Te noong Setyembre 30 sa isang casino sa Angeles City.

Hindi umano naging madali ang pag-aresto sa dayuhan sa nasabing operasyon dahil guwardiyado ito ng mga armadong bodyguards at ilan din umanong mga opis­yal pa ng gobyerno mula sa ibang ahensiya na nakiusap na pigilan ang pagdakip.

Hindi na rin ibinunyag pa ni Tan kung sinu-sinong mga opis­yal ang nais magbigay sana ng proteksiyon kay Lee.

Nabatid na si Lee ay wanted sa bansang Korea dahil bukod sa miyembro umano ito ng “Korean Mafia” ay may kinakaharap ding kaso na “inflicting bodily injury resulting from robbery.”

Noon pa umanong taong 2009 ay nabatid na nagta­tago na sa bansa si Lee.

Noong Oktubre 4, 2013 nang magpalabas ang BI ng summary deportation order dahil sa pagiging undocumented at undesirable alien ni Lee. Inaasahan nang ma­­ipatatapon na pabalik sa Korea­ ang nasabing dayuhan.

 

Show comments