MANILA, Philippines – Labing-isa katao kabilang ang driver ng pampasaherong jeep ang nasugatan nang mahulog ang kanilang sinasakyan sa Lagusnilad sa panulukan ng Padre Burgos Drive at Villegas St., sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni SPO1 Richard Borbon ng Manila District Traffric Enforcement Unit (MDTEU), dakong alas-3:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa nasabing lugar.
Tumakas umano ang sugatang driver ng dyip na may plakang TVY-585 na nakilala sa alyas na Arman, na sinasabing nagtamo ng sugat sa ulo at braso at nagmamadaling sumakay sa pedicab patungong Divisoria.
Apat sa 11 sugatan ang isinugod sa Philippine General Hospital (PGH) habang ang anim pa ay isinugod sa magkakahiwalay na pagamutan.
Paliwanag ng ilang pasahero, mabilis ang kanilang takbo nang biglang sumulpot ang tumatawid na batang hamog sa lugar kaya iniwasan ng driver.
Kinabig umano ni Arman ang manibela hanggang sa magpagewang-gewang at bumangga sa poste at puno bago nahulog sa ibaba ng Lagusnilad.
Rumesponde ang mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na siyang humila sa pampasaherong jeep.